Sinita ng ilang mga Senador ang Department of Energy (DOE) at Energy Regulatory Commission (ERC) dahil sa kawalan ng aktwal na inspeksyon sa mga planta ng kuryente sa bansa.
Inamin ng mga ahensya na “Desk Maintenance” lamang ang kanilang ginawa kung saan pinagsu-sumite lang ang mga Generation Companies (GENCOs) ng report tungkol sa kondisyon ng kanilang mga planta.
Nababahala si Senator Chiz Escudero na wala ni isa sa DOE at ERC ang nagpapadala ng eksperto para pisikal at personal na suriin ang sitwasyon ng mga planta sa bansa, dahilan kaya nangyayari ang mga ‘unplanned’ na power outages.
Hindi aniya talaga nakikita kung ano ang mga problema dahil maaari namang itago ng mga GENCOs ang mga totoong sira ng planta lalo na kung ang may-ari ay nagtitipid at report lang naman ang kailangang i-sumite sa DOE at ERC.
Sinabi ni Escudero na wala kahit isa sa dalawang ahensya ang “competent” o may kakayahan para tiyakin ang maayos na kondisyon ng mga power plants.