Muling ipinanawagan ni House Ways and Means Committee Chairman Joey Salceda sa Department of Energy (DOE) na seryosohin na ang pagkilos para sa paggamit ng nuclear energy sa bansa.
Bunsod na rin ito ng problema sa patuloy na pagnipis ng power reserves kaya nakakaranas ng shutdowns ang mga baseload coal power plants.
Tinukoy ng kongresista na ang coal, bagama’t mura, simple at madali, ito ay outdated o lipas na sa panahon at lumang-luma na rin ang mga planta.
Kaugnay na rin sa problemang ito ay nagbabala ang mambabatas na posibleng makaranas ng rotating brownouts ngayong Mayo o Hunyo dahil sa pagtaas ng demand bunsod ng mainit na panahon.
Bukod dito, problema rin ang kawalan ng regular na maintenance sa mga power plant kung kaya’t asahang palaging magkakaproblema at mas lalong tataas ang singil sa kuryente.
Naniniwala ang mambabatas na posible pang long-term solution ang nuclear energy dahil bukod sa stable source ito ng enerhiya ay malinis din ang fuel na ginagamit dito.