Manila, Philippines – Iginiit ng mga grupo ng konsyumer at mga tagapagtaguyod ng environment at clean energy at ‘coal-affected communities’ na dapat papanagutin ang Department of Energy (DOE) sa sandaling hindi maipatupad ang pangako ni Pangulong Duterte na mura at malinis na kuryente.
Apela ng mga miyembro ng Power for People Coalition kay DOE Secretary Cusi, ipatupad na ang direktiba ng Pangulo na paunlarin ang renewable energy at bawasan ang paggamit ng uling o carbon.
Binigyan diin ni Gerry Arances, convenor ng P4P at spokesperson ng consumer group na Murang Kuryente, na sa ngayon ay kailangan ang isang Executive Order para matiyak na susunod ang DOE at ng iba pang mandated agencies at may mapanagot kapag hindi nila ito naisakatuparan.
Ayon naman kay Ian Rivera, National Coordinator ng Philippine Movement for Climate Justice, ang DOE sa ilalim ni Secretary Alfonso Cusi ay ‘instrumental’ para sa pagsusulong ng coal projects sa bansa na idineklara bilang ‘Energy Projects of National Significance.’
Sa katunayan, inaprubahan ng DOE bilang head agency, ng Energy Investment Coordinating Council ang kontrobersiyal na proyekto, gaya ng 1,200 MW Atimonan Power Station at 15 MW DMCI-backed coal power plant sa popular tourist destination sa Palawan.