Inilatag ng Department of Energy (DOE) ang ilang mga pangunahing dahilan ng hindi kalahikang rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo na ipatutupad bukas.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni DOE- Oil Industry Management Bureau (OIMB) Assistant Director Rodela Romero na nagkaroon ng pagbagal ng kalakalan sa buong mundo, kaya naman nabawasan ang mobility at economic activities.
Dagdag pa ni Romero, nabawasan din ang pangangailangan sa produktong petrolyo.
Nagkaroon din aniya ng pagtaas sa interest rate ng malalaking bansa lalo na sa Europe at Amerika, kaya nag-anunsyo ng posibleng pagkakaroon ng global recession.
Para naman sa susunod na linggo, sinabi ni Romero na maaga pa sa ngayon para makita kung ano ang magiging sitwasyon naman ng presyuhan ng mga produktong petrolyo dahil may limang trading days pa sila na mino-monitor.
Paliwanag kasi ni Romero, dahil sa bawat araw ay may iba’t ibang dahilan ng pagbaba o pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo at hindi ito kontolado ng pamahalaan, kundi base sa galaw ng presyo sa merkado.
Samantala, epektibo alas-6:00 ng umaga bukas, magpapatupad ang Seaoil at Pilipinas Shell ng 45 centavos na bawas-presyo sa gasolina; P1.45 sa diesel at P1.70 sa kerosene.
Kaparehong kaltas din ang ipatutupad ng Caltex na epektibo mamayang hatinggabi.
Mamayang hatinggabi rin ang rollback ng Clean Fuel, habang alas-6:00 ng umaga ang sa Petro Gazz maliban sa kerosene na kapwa hindi nila ikinakarga.