DOE, pagpapaliwanagin kaugnay sa pagnipis ng suplay ng kuryente noong Lunes

Pagpapaliwanagin ng Senado ang Department of Energy (DOE) kaugnay sa biglang pagnipis ng suplay ng kuryente nitong Lunes matapos na magkakasabay na tumigil ang operasyon at pagbabawas ng kapasidad ng ilang planta.

Iginiit ni Majority Leader Joel Villanueva na ang nangyaring pagnipis ng suplay ng kuryente ay taliwas sa ibinigay na garantiya ng DOE sa Senado kamakailan na may sapat na suplay ng kuryente sa Luzon Grid hanggang sa Oktubre.

Binalaan ni Villanueva ang DOE na paghandaan ang mga pagtatanong ng mga senador kapag sumalang na ang mga ito sa budget hearing.


Sinabi naman ni Senator Sherwin “Win” Gatchalian, Vice Chairman ng Senate Committee on Energy, na hindi lang ang pagnipis sa suplay ng kuryente ang kanilang hihingian ng paliwanag kundi pati na rin ang rotational brownouts sa ilang bahagi ng Luzon mula noong Linggo.

Dapat aniyang sinisiguro ng DOE na palaging may sapat at tuloy-tuloy ang suplay ng kuryente lalo ngayon na bumabangon ang ekonomiya mula sa pandemya.

Dagdag naman ni Senator Risa Hontiveros na parehong dapat na umaksyon sa problema ang DOE at Energy Regulatory Commission (ERC) sa nangyaring forced outages ng pitong planta ng kuryente.

Facebook Comments