DOE, pinagpapaliwanag ng Senado tungkol sa delayed na pagsusumite ng bagong energy roadmap plan

Pinagpapaliwanag ni Senator Sherwin Gatchalian ang Department of Energy (DOE) tungkol sa delay o pagkabinbin ng pagsusumite ng bagong energy roadmap sa Kongreso.

Ang Philippine Energy Plan (PEP) na pinalawig pa hanggang 2050 ay naglalayong itaas ang paggamit ng renewable energy at bumuo ng energy mix tungo sa tinatawag na clean energy scenario.

Bukod sa paghingi ng paliwanag ng senador sa DOE tungkol sa hindi pa pagsusumite ng bagong energy roadmap ay kinalampag din ni Gatchalian ang ahensya na gawin ito agad.


Naniniwala ang mambabatas na ang PEP ang siyang magiging pundasyon para makamit ng bansa ang mas malinis na enerhiiya, maisusulong ang paglago ng ekonomiya at mapaghuhusay din ang kapakanan ng mga tao.

Giit ni Gatchalian, tatlong buwan nang delayed ang pagsusumite ng DOE ng updated energy roadmap na minamandato ng Republic Act 9136 o ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA).

Dagdag pa ng senador, hindi aniya katanggap-tanggap na naantala na ng husto ang pinakahuling Energy plan na isang mahalagang dokumento para maisulong ng husto ang sapat at malinis na suplay ng enerhiya sa buong bansa.

Ang kasalukuyang renewable energy goals ng bansa ay 35% sa 2030 habang 50% naman pagsapit ng 2040.

Facebook Comments