Nagbigay na ng marching order ang Department of Energy (DOE) sa mga distribution utilities na tiyaking mayroong maaasahan at matatag na supply ng kuryente sa harap ng paglulunsad ng vaccination program laban sa COVID-19.
Magugunitang ang mga bakuna ay ilalagak sa mga pasilidad na may extreme low temperature para mapanatili ang kalidad at bisa nito.
Ayon kay Energy Secretary Alfonso Cusi, mahalagang tuluy-tuloy ang serbisyo ng kuryente kaya bumuo na sila ng strategy para sa posibleng isyu na uusbong sa gagawing vaccine rollout.
Ipinag-utos ni Cusi sa lahat ng distribution utilities na magkaroon ng maayos na power supply para sa cold storage facilities at health care centers sa pamamagitan ng back-up generating sets o distribution system configuration.
Importante rin aniyang i-update nila ang emergency response protocols at Business Continuity Plans (BCPs) para maiprayoridad ang cold storage facilities sakaling magkaroon ng power outages.