Pinayuhan ni Department of Energy (DOE) Secretary Alfonso Cusi, ang publiko na magtipid sa pagkonsumo ng krudo at bawasan ang pagbiyahe.
Kasunod ito ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo at inaasahang pagtaas pa dahil sa gulo sa pagitan ng Ukraine at Russia.
Ayon kay Cusi, kung bababa ang pangangailangan sa krudo ay mapipilitan ang mga kompanya ng langis na i-regulate ang presyo ng produktong petrolyo.
Tinawag naman ni Cusi na “conscience call” o tawag ng konsensiya ang pagsasagawa ng mga motorcade at caravan na may kinalaman sa 2022 election.
Tiniyak naman ni Cusi na gumagawa ang pamahalaan ng mga hakbang gaya ng pagkakaroon ng fuel subsidy at pagsusulong ng paggamit ng electric vehicle.
Sa ngayon, nasa P5.85 sa kada litro ang nadagdag sa presyo ng diesel habang P3.60 sa kada litro naman sa gasolina at P4.10 per liter sa kerosene.