Tiniyak ng Department of Energy (DOE) na pag-aaralan nila ang posibilidad na subsidiya sa mga driver at operator ng pampublikong sasakyan sakaling hindi aprubahan ang kanilang hirit na taas-pasahe.
Ayon kay DOE – Oil Industry Management Bureau Director Rino Abad, nakipag-ugnayan na sila sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para pag-usapan ang posibleng halaga ng cash assistance na ibibigay sa mga driver at operator.
Aniya, ilalapit nila sa Finance at Budget Department ito para mahanapan ng pondo saka idi-diretso sa Kongreso para magawan ng batas.
“Natapos po natin iyong consultation with LTFRB. At ang hinihintay na lang po natin sa kanila ay iyong kanilang eventual decision on how much or if there is a fare hike, how much ang magiging fare hike at kung hindi naman, agaran din pong nagkaroon kami ng utos from our Secretary, Secretary Cusi na aralin kaagad din iyong posibleng kapalit, kung walang fare hike or insufficient ang magiging fare hike, then kailangan po suportahan natin ang cash assistance.” ani Abad
Una nang sinabi ni LTFRB Executive Director Joel Bolano na hanggang P1.26 lamang ang papayagan sakaling aprubahan ang taas-pasahe na maliit sa hinihirit na P3.