DOE, tiniyak na walang power outages sa susunod na anim na buwan

Tiniyak ng Department of Energy (DOE) sa Senado na sa susunod na anim na buwan ay wala tayong inaasahang brownouts.

Kaugnay ito sa naging tanong ni Senator Sherwin “Win” Gatchalian sa kalihim ng DOE kung may aasahan pang brownouts lalo’t sa nakalipas na anim na taon ay nagkaroon na ng 22 red alert at 154 yellow alert ukol sa kakulangan at pagnipis ng suplay ng kuryente.

Sa ginanap na pagdinig ng Senate Committee on Energy, inihayag ni Energy Secretary Raphael Lotilla na sapat ang suplay ng kuryente at inaasahang bababa rin ang demand o kunsumo dahil panahon na naman ng taglamig.


Aniya pa, sa isang degree na pagbaba ng temperatura ay mababawasan ng 100 megawatts ang demand sa kuryente at madaragdagan ang reserba basta’t huwag lamang aniya magkakaroon ng major breakdown ng mga planta ng kuryente.

Magkagayunman, sinabi ng kalihim na pagdating ng summer months o buwan ng mga tag-init ay nababahala rin siya sa suplay ng kuryente kaya kailangan itong maagapan.

Sa kabilang banda ay inaasahan ni Lotilla na patuloy na bababa ang presyo ng petrolyo sa world market batay sa forecast ng Development Budget Coordination Committee.

Facebook Comments