Tiniyak ng Department of Energy (DOE) na walang sabwatan na nangyari sa pagitan ng mga Generation Companies (GenCos) kaya nagdeklara ng yellow alert noong nakaraang linggo sa Luzon.
Sa virtual hearing ngayon ng Committee on Good Government and Public Accountability, sinabi ni DOE Director Mario Marasigan na nagsagawa sila ng imbestigasyon at lumalabas na “natural cause” at walang sabwatan sa pagitan ng mga energy players.
Napatunayan aniya sa kanilang pagsisiyasat na nagkaroon talaga ng power outages o pag-shutdown ng mga planta kaya nagkaroon ng kakulangan sa suplay ng kuryente.
Ipinatawag din nila ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), mga GenCos at suppliers ng natural gas sa isinagawang imbestigasyon.
Pero pinuna naman ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate na ang ginawang pagsilip ng DOE sa power outages ay ibinase lamang sa mga isinumiteng dokumento at hindi naman personal na pinuntahan ng mga kinatawan ng ahensya ang mga planta para makita ang sitwasyon.
Dahil dito, hiniling ni Zarate sa komite na pagsumitehin ang DOE ng listahan ng mga power plants na nagkaroon ng outages para sa pagkwestyon sa susunod na pagdinig.