Tinututukan na ng Department of Energy (DOE) ang pagbabalik ng suplay ng kuryente sa apat na lugar sa Northern Luzon na matinding sinalanta ng nagdaang Bagyong Egay.
Ayon kay Energy Undersecretary Felix William Fuentebella kabilang dito ay ang franchise areas ng Ilocos Norte Electric Cooperative, Inc., Ilocos Sur, Electric Cooperative, Inc., Cagayan II, Electric Cooperative, Inc., at Abra Electric Cooperative, Inc., mas mababa sa 50% pa lamang ang naibabalik na suplay ng kuryente sa nasabing mga franchise areas.
Iniulat naman ng National Electrification Administration (NEA) na nasa 64% ng halos 1.6 million consumers sa franchise areas ng apektadong electric cooperatives ang ganap ng naibalik ang suplay ng kuryente ngayong araw.
Nasa mahigit kalahating milyon naman na mga residente pa ang kasalukuyang nag-aantay na maibalik ang suplay ng kuryente sa kanilang lugar.
Samantala, nasa 50 mula sa kabuuang 62 electric cooperatives na ang nagbalik na sa normal ang operasyon.
Tanging nasa tatlong planta na lamang na mayroong kabuuang 88 megawatts ang nananatiling offline kabilang dito ang 81-MW Caparispisan Wind Power at 2 hydroelectric power plants sa Benguet na may combined capacity na 7 MW.
Pagdating naman sa transmission services ayon sa National Grid Corp. of the Philippines (NGCP), fully restored na ang lahat ng naapektuhang transmission lines nitong araw ng Biyernes.