
Isusulong ni Senate President Chiz Escudero na bigyan ng standby authority ang Department of Finance (DOF) para maibaba ang value added tax (VAT) sa mga produktong petrolyo.
Inaasahang makatutulong ang hakbang na ito mula sa mga biglaang pagtaas ng presyo ng petroleum products na dulot ng mga gyera tulad ng nangyayaring kaguluhan ngayon sa Middle East.
Ayon kay Escudero, kapag tumataas ang presyo ng petrolyo ay natural lamang na tataas ang makokolektang VAT ng gobyerno na nakapako na sa 12%.
Hindi aniya makatwiran na kikita ang pamahalaan habang ang publiko ang papasan ng mataas na presyo.
Para maging makatwiran, kailangang amyendahan ng Kongreso ang Tax Reform Acceleration and Inclusion Law o TRAIN Law para mabigyan ng standby authority ang DOF para maibaba ang VAT sa tuwing tumataas ang presyo ng langis at produktong petrolyo.









