DOF, bukas sa iba na maaring paghugutan ng buwis na mawawala sakaling tuluyang ipagbawal ang online gambling

Sa briefing ng Development Budget Coordination Committee o DBCC sa House Committee on Appropriations ay inihayag ng Depaprtment of Finance (DOF) na bukas ito sa ibang pwedeng mapaghugutan ng buwis kapalit ng mawawalang kita kapag tuluyang ipinagbawal ang online gambling.

Sagot ito ni Finance Secretary Ralph Recto sa tanong ni FPJ Panday Bayanihan Party-list Rep. Brian Poe kung magkano ang ambag ng online gaming industry sa pondo ng pamahalaan at kung may ibang source na maaring ipalit dito.

Ayon kay Recto nasa P60 billion ang koleksyon mula sa online gambling at sang-ayon siya kay Rep. Poe na maaring alternatibong mapaghugutan ng buwis ang plastic at ang pagtaas sa excise tax ng pagmimina.

Binanggit ni Recto na inaasahan ang paglagda ng Pangulo sa panukalang mining fiscal regime habang hinimok nya ang Kongreso na isulong ang pagpapataw ng excise tax sa plastic.

Facebook Comments