Pinawi ni Finance Sec. Ralph Recto ang pangamba sa malaking utang ng gobyerno na aabot sa ₱15.48 trillion.
Sa budget briefing para sa taong 2025 kung saan sumalang ang Development Budget Coordination Committee (DBCC), sinabi ni Recto na malaki naman ngayon ang ekonomiya ng bansa at kayang tugunan nito ang bayarin sa malaking utang ng bansa.
Paliwanag ni Recto, ang 68.3 percent na utang ng pamahalaan ay inutang dito sa bansa, ibig sabihin karamihan ng interest na ibinabayad ng gobyerno ay napupunta sa dagdag na kita ng pamahalaan.
Samantala, ang 79.8 percent naman na utang ay long-term o pangmatagalang bayaran kaya hindi masasagad ang pamahalaan.
Giit pa ng kalihim, walang masama kung marami mang utang ang bansa basta’t ang inutang ay nagagamit para sa pagpapasigla ng ekonomiya tulad ng mga proyekto na paglikha ng trabaho, pagpapalaki ng kita at dagdag na tax collection.