Pinag-iingat ng Department of Finance (DOF) ang publiko laban sa mga kumakalat na impormasyon hinggil sa pagsusulong ng ahensya ng cryptocurrency auto-trading program na tinatawag na “Bitcoin Revolution.”
Ayon sa DOF, napansin ng ilan nilang staff ang nasabing investment schemes na ilegal na ginagamit ang pangalan ng Treasury at Finance officials para hikayatin ang mga potential investors na sumali sa programa.
Ang mga nagpapalaganap ng pekeng impormasyon ay sinasabing bumuo ang pamahalaan ng platform na tinatawag na “Bitcoin Lifestyle.”
Lumabas din sa fake news na si Pangulong Rodrigo Duterte pa mismo ang humihikayat sa publiko na matuto sa Bitcoin Lifestyle.
Hinihikayat ng DOF ang publiko na isumbong ang mga kahina-hinalang investment schemes sa Enforcement and Investor Protection Department ng Securities and Exchange Commission (SEC).
Nagbabala rin ang kagawaran sa mga nasa likod ng hindi awtorisadong investment schemes na binabantayan na sila ng gobyerno at papatawan sila ng kaukulang legal na hakbang.