DOF, tiniyak sa Senado na hindi dapat ikabahala ang utang ng bansa

Tiniyak ng Department of Finance (DOF) sa Senado na ‘manageable’ at hindi dapat ikabahala ang mga pagkakautang ng bansa.

Sa confirmation hearing ng Commission on Appointments (CA) para sa ad interim appointment ni Finance Secretary Benjamin Diokno, inamin nito na totoong lumaki ang utang ng bansa dahil sa pandemya matapos na kailanganing mangutang ng pambili ng bakuna kontra COVID-19.

Sa kabila ng pag-akyat sa 62% na ‘debt to GDP ratio’ mula sa 40% noong pre-pandemic, kumpyansa si Diokno na kontrolado pa rin ito kung ikukumpara sa ibang bansa na nasa 100% hanggang 200%.


Aniya, malakas ang estratehiyang pang-ekonomiya ng pamahalaan at target na mapalago ang ekonomiya ng 6.5% hanggang 8% sa susunod na anim na taon o sa loob ng termino ng Marcos administration.

Tiwala rin si Diokno na hindi mauuwi sa recession o tuluyang paghina ng ekonomiya ang bansa dahil sa napakabata pa ng populasyon ng Pilipinas at may improvements pa ang lokal na ekonomiya.

Facebook Comments