Pinag-iingat ni Senador Imee Marcos ang gobyerno sa pagmamadaling maitayo ang Department of Overseas Filipinos o DOFil gayong hindi pa nareresolba ang mga isyung posibleng makahadlang sa pagiging epektibo ng operasyon nito bilang Cabinet-level agency.
Kabilang sa mga isyung tinukoy ni Marcos ang kakarampot na pondo sa gitna ng COVID-19 pandemic, kawalan ng specialized training para sa mga magiging opisyal at mga tauhan ng DOFil, gayundin ang magkakaparehong tungkulin at programa na hindi pa rin naaayos sa mga ahensya ng gobyerno.
Nilinaw ni Marcos na hindi sya kontra sa bago at hiwalay na ahensya ng gobyerno para sa mga OFW na mangangailangan ng minimum budget na Php1.1 bilyon.
Pero paliwanag ni Marcos, hindi ganon kadali ang pagtatayo ng napakalaking departamento at hindi rin ito magic na agad-agad na malulutas ang mga problema at hinaing ng ating mga OFW.
Sa tingin ni Marcos, ang pagpapalawak ng POEA o Philippine Overseas Employment Administration ang praktikal at kritikal na solusyon bilang alternatibo sa DOFil.
Nakapaloob ito sa Senate Bill Number 407 na inihain ni Marcos o panukalang pagtatayo ng National Overseas Employment Authority o (NOEA) na sasaklaw sa POEA, Overseas Workers Welfare Administration at iba pang OFW service offices sa Department of Foreign Affairs, Department of Labor and Employment, at Department of Social Welfare and Development.