Isinugod sa isang Rural Health Unit ang nasa 36 na mga estudyante ng Bayorbor National High School at Bayorbor Senior High School sa Bayan ng Mataas na Kahoy sa Batangas, matapos makalanghap ng usok mula sa Bulkang Taal.
Ayon sa Department of Health (DOH), ang mga bata ay nakumpirmang nakalanghap ng volcanic smog mula sa usok ng Bulkang Taal, na isang uri ng air pollutant na pinaghalong volcanic gas, acid, at sulfur dioxide.
Karamihan sa mga estudyante ay hirap makahinga, masakit ang tiyan, at binabahing dulot ng allergy.
Babala ng DOH, maaari din daw magkaroon ng problema sa lalamunan at iba pang respiratory infection ang makakalanghap nito.
Nagpapaalala naman ang ahensya sa mga nakatira malapit sa Taal na nasa Alert Level 1 pa rin ang bulkan kung saan patuloy itong nakakapagtala ng mga phreatic explosion, mga pagyanig, at pagbuga ng abo.