Naglabas ng abiso ang Department of Health-Region 7 sa publiko na huwag lumangoy sa katubigan sa bahagi ng Cordova, Cebu.
Kasunod ito ng pagkumpirma ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa mataas na presensya ng fecal coliform o bacteria na nakikita sa dumi ng tao o hayop sa lugar partikular sa Barangay Catarman.
Ayon kay DOH-7 Director Jaime Bernadas, bunsod ito ng hindi magandang sewage at wastewater disposal system sa lugar na isang paglabag sa umiiral na Sanitation Code standards.
Kilala ang fecal coliforms bilang sanhi ng ilang sakit na nakukuha sa tubig katulad ng diarrhea, cholera, dysentery, hepatitis A, typhoid at polio.
Mababatid na ipinatanggal ng lokal na pamahalaan at ng provincial government ang mga floating cottages at mga kahalintulad na istraktura sa baybayin upang magbigay-daan sa rehablitasyon.