DOH-7, umaasang tataas pa ang bilang ng healthcare workers na handang magpaturok ng Sinovac kapag nagsimula na ang vaccine rollout

Umaasa ang Department of Health (DOH) Region 7 na madaragdagan pa ang bilang ng kanilang healthcare workers na nakahandang magpaturok ng COVID-19 vaccines ng Sinovac.

Ito ay kasunod ng pagdating kaninang umaga sa Cebu ng higit 7,000 Sinovac vaccines na nakalaan para sa healthcare workers.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni DOH 7 Spokesperson Dr. Mary Jean Loreche na tataas pa ang kumpiyansa ng ibang medical workers sakaling masimulan na ang vaccination program.


Sa ngayon aniya ay wala pang tiyak na datos kung ilan ang medical workers sa lalawigan na handang magpabakuna.

Unang tuturukan ang mga nasa Vicente Sotto Memorial Medical Center na pinakamalaking COVID-19 referral hospital sa Visayas kung saan nasa 768 na staff nito ang handa nang magpaturok ng bakuna mula sa China.

Inaasahang magsisimula ang vaccine rollout ng DOH 7 sa Huwebes, Marso 4 pagkatapos magbigay ng go-signal ang national government.

Facebook Comments