Inaasahang ilalabas na Department of Health (DOH) ngayong Martes, April 21 ang akreditasyon ng testing facility ng Lokal na Pamahalaan ng Marikina.
Maku-kumpleto na kasi ngayong araw ang proficiency test para sa mga equipment ng mga pasilidad, laboratory technicians, at maging medical technologists sa nasabing pasilidad.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Marikina City Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro na sa sandaling maging operational, maaaring magsagawa ng 400 hanggang 500 testing ang pasilidad araw-araw o katumbas ng 5% ng national target na 8,000 daily tests.
Una nang sinabi ni Teodoro na ang polymerase chain reaction (PCR) testing sa kanilang laboratoryo ay tatagal lamang ng tatlong oras bago mailabas ang resulta.
Ayon sa alkalde, libreng ipagkakaloob ng Marikina City ang COVID-19 tests sa kanilang mga residente at bubuksan din ito para sa ibang lungsod sa Metro Manila.
Unang isasalang sa COVID-19 test ang mga PUI, PUM, frontliner at senior citizen sa Marikina City.