Aminado ang Department of Health (DOH) na imposibleng maipatupad at mapanatili ang physical distancing sa mga bata sa loob ng mga silid-aralan.
Kaya naman sa nakatakdang pagbubukas ng klase sa Agosto 22, pinaalalahanan ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire ang mga estudyante na palaging magsuot ng face mask, maghugas ng kamay o i-sanitize ito sa pamamagitan ng alcohol at suriin ang temperature kapag nasa paaralan.
Giit ni Vergeire, mamumuhay na tayo na nariyan ang virus kaya kailangan na magkaroon ng commitment ang lahat para proteksyunan ang ating sarili, at bawat isa.
Kasabay nito, hinimok ni Vergeire ang mga magulang na pabakunahan na ang kanilang mga anak laban sa COVID-19.
Iginiit din nito na dapat ay bakunado rin ang lahat ng teachers at non-teaching personnel na haharap at mag-iinteract sa mga bata.
Hinikayat din ng health official ang Department of Education na maglagay ng safety officers para masiguro na nasusunod ang mga health safety protocols sa loob ng mga paaralan.