Aminado ang Department of Health (DOH) na nagiging pahirapan na ang paghahanap ng healthcare workers sa harap ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, napansin nila na nagkakaroon ng ‘plateau’ sa bilang ng aplikante para sa kanilang emergency hiring program.
Ibig sabihin, wala silang natatanggap na bagong applicants.
Bagama’t may pera para sa sahod ng healthcare workers sa ilalim ng Bayanihan Fund, wala naman aniyang nagbabalak na mag-apply.
Kaya, hihingi na sila ng tulong sa mga unibersidad para maitaas ang workforce sa mga ospital.
Bagama’t nauunawaan ng DOH ang takot ng mga aplikante sa panahong ito, hinihikayat nila ang mga ito na gampanan ang kanilang sinumpaang tungkulin na magsilbi sa bayan.
Sa ngayon, nasa 6,000 personnel ang natanggap ng pamahalan sa ilalim ng emergency hiring program at nai-deploy na sa 336 health facilities.