Kinumpirma ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire na malaki pa rin ang kakulangan ng bansa sa ventilators.
Aniya, sa ngayon ay 1,263 lamang ang bakanteng ventilators sa buong bansa at eksakto lamang ito sa kasalukuyang confirmed COVID-19 cases sa Pilipinas.
Bunga nito, nakatakda pa aniyang bumili ang Department of Health (DOH) ng malaking bilang ng ventilators.
Kinumpirma rin ni Usec. Vergeire na may 1,414 pang pending na COVID-19 tests sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM).
Patuloy din, aniya, ang contact tracing na ginagawa ng DOH sa mga nakasalamuha ng mga nagpositibong pasyente.
Kinumpirma rin ni Dr. Vergeire na nakatakda na ring buksan sa susunod na dalawang linggo ang Quezon Institute sa Quezon City bilang community quarantine facility.
Ayon pa sa opisyal, masusi rin nilang mino-monitor ang mga bilangguan para matiyak na walang mangyayaring hawaan ng virus sa mga preso.
Aniya, masusi rin nilang sinusunod ang protocol ng World Health Organization (WHO) hinggil sa mga kahalintulad na facilities.
Kinumpirma rin ng DOH na dumating na kagabi ang isang milyong personal protection equipments o PPEs na kanilang binili sa halagang 1.8 billion pesos.
Ayon kay Usec. Vergeire, ang 15-thousand PPEs ay nai-deliver na nila sa Office of Civil Defense.