DOH, aminadong nagkakaproblema na sa pag-iisip ang ilang bakwit mula Marawi: Pero paglilinaw nila – nasa limang kaso lang ito at hindi tatlumpung libo!

Manila, Philippines – Pinabulaanan ng Department of Health na 30 libo sa mga inilikas mula sa Marawi City ang nakararanas ng psychological problem o depression sa kasalukuyan, ito ay bunsod pa rin ng nagpapatuloy na bakbakan sa Marawi City.

Ayon kay Health Secretary Paulyn Jean Rosell Ubial, ang bilang na ito na una nang binanggit ng Lanao del Sur Provincial Crisis Committee, ay bilang ng mga nananatili sa mga evacuation areas.

Hindi daw tama na sabihing nakararanas ng psychological problem ang lahat ng ito, dahil isinailalim naman talaga ng DOH ang lahat ng evacuees sa stress debriefing at psychological counseling para maagapan ang pagkakaroon ng psychological problems.


Base sa datos ng ahensya, nasa 5 pasyente pa lamang ang kinailangan nilang ipadala sa psychiatric wards ng mga ospital.

Gayunpaman, ayon sa kalihim, hindi aniya nila ipinagsasawalang bahala ang kasong ito.

Nilinaw din ni Ubial na mula noong unang araw ng Marawi siege ay nakapag-deploy na sila ng psychosocial team sa lugar.

Isinailalim na rin nila sa training ang 811 Maranao speaking personnel ng Amai Pakpak Medical Hospital sa Marawi para makatulong sa mga stress debriefing.

Patuloy rin aniya ang ginagawa nilang koordinasyon sa iba pang ahensya ng pamahalaan, upang matugunan ang mga pangangailangan sa lugar.

Facebook Comments