Hindi pa kailangan ng karagdagang paghihigpit sa mga biyahero na nanggagaling sa Japan sa kabila ng tumataas na kaso ng streptococcus bacteria sa malaking bahagi ng nasabing bansa.
Sa Kapihan sa Bagong Pilipinas, sinabi ni Department of Health-National Capital Region (DOH-NCR) Director Rio Magpantay, wala pa silang namo-monitor na anumang kaso ng nabanggit na sakit na posibleng nakapasok na sa ating bansa.
Paliwanag ni Magpantay, mahigpit naman ang ginagawang pagbabantay ng Bureau of Quarantine para sa mga biyahero lalo na ang galing ng Japan.
Sa kabila nito, nakikiusap si Magpantay sa mga pasahero mula ibang bansa na maging tapat sa paglalagay ng mga impormasyon sa kanilang health declaration form bago dumating sa Pilipinas.
Kaugnay nito, muling iginiit ng opisyal na hindi pa rin naman mangangailangan ng mga dagdag requirements ang DOH sa kabila ng pagtaas ng kaso ng streptococcus bacteria sa bansang Japan.