Naniniwala ang Department of Health (DOH) na kayang pigilan ng Pilipinas ang pagpasok ng bagong uri ng swine flu na nadiskubre sa China.
Pero ayon kay DOH-Epidemiology Bureau Dr. Thea De Guzman, kailangang paghandaan ng DOH at ng Department of Agriculture (DA) ang posibleng pagpasok ng G4 virus sa bansa.
Aniya, ang mahigpit na surveillance ang DA ang makakapigil sa pagpasok ng virus.
Sa pamamagitan nito, mapipigilan din ang anumang animal-to-human o human-to-human infection ng G4, bagama’t wala pang ebidensya na maaaring maisalin ang sakit sa tao mula sa tao.
Una nang hinimok ng DA ang mga hog raisers na iulat agad sa ahensya ang anumang hindi pangkaraniwang pagkamatay ng alaga nilang baboy o kung makitaan ang mga ito ng anumang flu-like symptoms.
Kasalukuyan pang nakikipaglaban sa African Swine Fever ang Pilipinas, isang severe viral disease na nakaaapekto sa mga baboy na nagsimula noon pang kalagitnaan ng 2019.