Nakiusap si Vice President Leni Robredo sa Department of Health (DOH) at Inter-Agency Task Force (IATF) na mag-doble kayod sa pagresolba ng mga problema na may kinalaman sa pandemic response ng mga local government units (LGUs).
Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, sinabi ni Robredo na nasa ilalim ng health emergency ang bansa kaya mahalagang pabilisin ang proseso sa pagtugon sa mga problema ng mga LGUs – mula sa pagbabago ng quarantine levels hanggang sa pagdadagdag ng tauhan sa healthcare facilities.
“Ako, naiintindihan ko naman, halimbawa DOH ang dami talagang inaasikaso ngayon, pero ano talaga, kailangan double time tayo kasi every day counts, eh,” sabi ni Robredo.
Maraming LGUs ang nababagalan sa aksyon ng national government, bagamat naiintindihan ni Robredo ang sitwasyon ngayon ng DOH at IATF na maraming inaasikaso ay kailangan nilang maging mabilis sa pagdedesisyon.
Pinabababago rin nila sa IATF ang quarantine levels ng mga lugar kung saan nakikitaan ng surge ng COVID-19 cases.