DOH at iba pang ahensya ng pamahalaan, bumubuo na ng short term plan para sa diarrhea outbreak

Nakikipag-ugnayan na ang Department of Health (DOH) sa iba’t ibang ahensya para bumuo ng short term plan na tutugon sa diarrhea outbreak sa bansa.

Ayon kay DOH OIC Maria Rosario Vergeire, pinagana na nila ang Inter-agency Committee on Environmental Health (IACEH) para pangasiwaan ang diarrhea outbreak.

Aniya, layon ng short term plan na tatagal hanggang Disyembre ngayong taon na makagawa ng aksyon na maaaring gawin ng bawat ahensya para matugunan ang nasabing outbreaks.


Maliban dito, ire-review rin aniya ng IACEH ang Code on Sanitation of the Philippines, gayundin ang pagpapabuti ng sanitary infrastructure sa iba’t ibang Local Government Units (LGU) bilang bahagi naman ng long term plan.

Paliwanag ni Vergeire, ang kakulangan ng access sa ligtas na tubig, kawalan ng sanitary facility at baradong daanan ng wastewater ang ilan lang sa mga problemang kinakaharap ng mga lugar na naitatala ang diarrhea outbreak.

Nauna nang nakapagtala ang DOH nitong Oktubre ng mahigit 3,000 kaso ng cholera sa bansa kung saan 33 ang nasawi mula Enero 22 hanggang Setyembre 4.

Ang mga rehiyon ng Central Luzon, Western Visayas at Eastern Visayas ay lumampas na sa epidemic threshold para sa cholera, isang bacterial disease na nagdudulot ng matinding pagtatae.

Facebook Comments