DOH at NEDA, nilinaw na hindi pa kasama ang media sa A4 group na nakalinya na ngayon para sa COVID vaccine

Nilinaw ng Department of Health (DOH) at ng National Economic and Development Authority (NEDA) na hindi pa kasama ang media sa A4 priority group na nakalinya nang bakunahan ngayon kontra COVID-19.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang media ay nasa B group pa ng mga mababakunahan.

Sinabi naman ni NEDA Undersecretary Rose Edillon na nakadepende ito sa magiging desisyon ng Inter-Agency Task Force kung aamyendahan nila ang kanilang priority list at isama na ang media sa A4 group.


Samantala, inilabas naman ni Usec. Edillon ang mga sektor na kasama sa A4 priority group ay nasa sektor ng transportasyon, government frontline workers tulad ng nasa justice, financial services, security ,transport at social protection sectors.

Gayundin ang vendors sa wet at dry market, mga manggagawa sa grocery, supermarkets at delivery services.

Kasama rin sa A4 group ang mga manggagawa sa hotels and accommodation, security guard at personnel, kasama rin ang mga pari, pastor at religious leaders.

Mga manggagawa sa kompanya ng pagkain, inumin at mga gamot at construction workers sa government infrastructure projects.

Maging ang mga guro sa medical courses at Overseas Filipino Workers (OFWs) na naka-schedule nang i-deploy sa abroad sa loob ng dalawang buwan.

Facebook Comments