Maaaring masampahan ng mga kasong kriminal ang Department of Health (DOH) at National Task Force (NTF) Against COVID-19.
Ito ang sinabi ni Senate Minority Leader Franklin Drilon sa kapag itinuloy ng DOH at NTF ang plano na pagbawalan ang ilang pribadong kumpanya na bumili at mag-donate ng COVID-19 vaccine.
Diin ni Drilon, na dating Justice Secretary, hindi ito maaaring gawin ng DOH at NTF dahil malinaw na paglabag sa COVID-19 Vaccination Act of 2021.
Dahil dito ay sinabihan ni Drilon ang DOH at NTF na huwag umaktong parang Diyos lalo’t walang pinipili ang virus kaya sana huwag ding piliin kung sino ang babakunahan o kung sino ang pwedeng bumili ng bakuna.
Binalaan din ni Drilon si Health Secretary Francisco Duque III na muling papa-imbestigahan sa Senado kapag itinuloy ang pagbabawal sa ilang pribadong kompanya na makibahagi sa vaccination program.