Naghahanda na ang Philippine Genome Center (PGC) para sa sequencing sa samples ng hinihinalang monkeypox sakaling makapasok ito sa Pilipinas.
Ayon kay PGC Executive Director Dr. Cynthia Saloma, nakipag-ugnayan na sila sa Department of Health (DOH) Epidemiology Bureau para bumuo ng protocols at naghahanda na rin sila ng test kits para suriin ang monkeypox virus.
Unang inihayag ni Dr. Beverly Ho ng DOH na mahirap matukoy ang pagkakaiba ng monkeypox, measles, o chickenpox kaya’t pinapayuhan ang mga may sintomas na agad na mag-isolate at magpakonsulta sa doktor sa pamamagitan ng video call.
Ayon kay Ho, ang pasyenteng may monkeypox ay nagkakaroon ng kulani at ang mga pantal ay nagsisimulang dumami sa bandang bibig at mukha kumpara sa chickenpox na nagsisimula sa katawan.
Ang itsura rin aniya ng mga pantal ng monkeypox ay halos pare-pareho na sabay-sabay sa iba’t ibang bahagi ng katawan kumpara sa chicken pox o tigdas na iba-iba ang stages development ng pantal.