Nilinaw ng Department of Health (DOH) at Research Institute for Tropical Medicine (RITM) na wala silang nailabas na expired na Reverse Transcription – Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) test kits sa mga laboratoryo.
Kasunod ito ng pahayag ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na 50,000 expired na RT-PCR testing kits para sa COVID-19 ang naipamigay ng RITM sa mga private testing laboratory.
Ayon sa DOH at RITM, walang expired testing kits na naipakalat base sa kanilang delivery records at mga dokumento.
Anila, ‘fast-moving stock’ ang test kits na kailangang magamit agad.
Giit pa ng DOH, Kasunod ng kahalagahan ng mabilis na stock management para sa testing laboratories, binuo ang COVID-19 Laboratory Network Project Management Unit (PMU) at inilunsad din ang bagong Information Management System.
Gumagawa na rin ang PMU ng mas maayos na logistics process habang sinisiguradong walang naaantalang supply ng COVID-19 test kits.