Makikipagtulungan ang Department of Health (DOH) sa mga eksperto mula sa University of the Philippines (UP) sa pag-aanalisa ng datos tungkol sa kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, isinasaayos na nila ang data sharing agreement ng kagawaran sa UP experts.
Aniya, layon nitong makapagbigay ng rekomendasyon ang mga eksperto mula sa UP sa pamahalaan na may kaugnayan sa pandemya.
Kabilang sa mga UP experts na nagsasagawa ng forecasts hinggil sa COVID-19 sina Institute of Mathematics Assistant Professor Guido David at Department of Political Science Assistant Professor Ranjit Singh Rye ng OCTA research.
Una nang sinabi ng grupo na ang “premature relaxation” ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) matapos ang May 15, 2020 ay maaaring magresulta sa pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa 24,000.
Sinabi din ni David na aabot sa 40,000 sa Hunyo 30, 2020 ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa bansa base sa kasalukuyang trend ng transmisyon.