Bineberipika na ng Department of Health (DOH) ang mga report na sinuhulan ng Chinese firm na Sinovac ang mga otoridad para mapabilis ang approval ng kanilang mga bakuna.
Ito ay matapos lumabas sa Washington Post ang pag-amin ni Sinovac Founder at Chief Executive Yin Weidong sa kaniyang 2016 court testimony na sinuhulan niya ang regulatory authorities sa China ng 83,000 dollars mula 2002 hanggang 2011 para mapabilis ang approval ng kanilang mga bakuna.
Nakasaad pa sa US newspaper, umamin sa korte ang 20 government officials at hospital administrators na tumanggap sila ng suhol mula sa mga empleyado ng Sinovac mula 2008 hanggang 2016.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, ang lahat ng bakuna laban sa COVID-19 at sasailalim sa masusing pagsusuri.
Sisilipin din ng Ethics Board, Vaccine Expert Panel (VEP) at ng Food and Drug Administration (FDA) ang reports tungkol sa umano’y iregularidad sa operasyon ng Sinovac.
Mababatid na ang Sinovac ay nag-apply para makapag-supply ng COVID-19 vaccine sa Pilipinas, nakakuha na ito ng approval mula sa VEP sa ilalim ng Department of Science and Technology (DOST).
Una na ring sinabi ni National Task Force Against COVID-19 at Vaccine Czar Carlito Galvez na posibleng ang unang COVID-19 vaccine na gagamitin sa Pilipinas ay mula sa China.