Umalma ang ilang Overseas Filipino Workers (OFWs) sa hindi maaksyunang problema sa sistema sa pagkuha ng vaccination certificate sa pamamagitan ng VaxCertPh ng Department of Health (DOH).
Sa panayam sa isang OFW sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na si Luis Garcia, sinabi nito na tila pinagkakakitaan ng DOH ang vax certificate.
Aniya, matagal nang sinasabi ng DOH na down ang kanilang system pero wala itong ginagawang paraan para ayusin ang sistema.
Sinabi pa ni Garcia na napilitan na lamang siyang tumawag sa hotline ng DOH dahil malapit na ang kaniyang flight pabalik ng trabaho sa abroad.
Gayunman, nang tumawag aniya siya sa hotline ng DOH, itinuro siya sa Bureau of Quarantine para doon kumuha ng vax cert sa pamamagitan ng online.
Naging kalbaryo aniya ang paulit-ulit niyang pag-fill up sa app na nauuwi sa pag-failed at bukod dito masyado aniyang malaki ang 370-pesos na sinisingil ng Bureau of Quarantine ng DOH.
Ganito rin ang naging karanasan ng isa pang OFW na si Nenen Samonte kung saan tila aniya sinasadya ang ganitong taktika para pagkakitaan ang mga biyahero.
Una na ring umani ng batikos mula sa OFWs at mga balikbayan sa abroad ang pagmamatigas ng pamahalaan na ibasura ang One Health Pass at sa halip ay pinalitan lamang ito ng E-travel card na wala namang pinagkaiba at dagdag abala sa inbound travelers.
Anila, ang ganitong sistema ay nagtataboy sa mga dayuhang turista na magtungo sa Pilipinas.