DOH, binigyang katwiran ang pagbaba sa Alert Level 2 ng Metro Manila

Ang patuloy na pag-ganda ng datos ang numero unong basehan ng pamahalaan kung bakit ibinaba na sa Alert Level 2 ang Metro Manila.

Sa Press conference sa Malakanyang, sinabi ni Department of Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na kung noong isang linggo ay nakapagtala tayo ng 10.27 Average Daily Attack Rate (ADAR), negative 2 week attack rate at less than 50% hospital care utilization sa National Capital Region (NCR) ay mas lalo pa namang bumaba ang datos ngayong linggo.

Paliwanag ni Vergeire, sa ngayon ay nakakapagtala na lamang ng 493 average COVID-19 daily cases sa Metro Manila habang bumaba narin sa 5.36 ang average daily attack rate, negative din ang 2 week growth rate at maluwag narin ang mga ospital kung kaya’t nagdesisyon ang Inter-Agency Task Force (IATF) na ibaba na sa Alert Level 2 ang NCR.


Samantala, sa panig naman ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, sinabi nitong inanunsyo kaagad ang pagbaba ng alert level system sa Metro Manila sa layuning mas marami pa ang makapag-hanapbuhay.

Pero maaari aniya itong bawiin o muling magpatupad ng mas mahigpit na restrictions kung magpapabaya ang publiko at magkakaroon ulit ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa kalakhang Maynila.

Facebook Comments