Welcome sa Department of Health (DOH) ang plano ng Russia na magtayo ng manufacturing facility para sa kanilang COVID-19 vaccine sa Pilipinas.
Ito ang pahayag ng kagawaran matapos talakayin nina Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez at Russian Ambassador to the Philippines Igor Khovaev ang posibilidad na magkaroon ng manufacturing at distribution ng COVID-19 vaccine na Sputnik V sa bansa.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, masusing pinag-aaralan ito kasama ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
“Isa po iyan sa tinitingnan natin sa ngayon kasama naman sa pag-uusap ang Department of Trade and Industry at saka ‘yong iba pang ahensya ng ating gobyerno at ito po ay masusi nating pinag-aaralan,” ani Vergeire.
Sinabi rin ni Vergeire na nakapulong na rin ni Health Secretary Francisco Duque III si Khovaev.
“Nakipag-meeting siya kay Secretary Duque and isa iyan sa pinag-usapan talaga. Hindi lang ‘yong fill and finish na manufacturing plant meron talagang planta ng bakuna,” sabi ni Vergeire.
Isa aniya itong advantage para sa Pilipinas, dahil magagamit ang pasilidad na ito sa mga susunod na taon kapag kinakailangan muli nito.
Samantala, ang Gamaleya Research Institute ng Russia, Janssen Pharmaceuticals ng Johnson & Johnson, at Sinovac Biotech ng China ay nakapagsumite na ng application para sa posibleng pagsasagawa ng Phase 3 clinical trials ng kanilang mga bakuna rito sa bansa.
Mayroon ding anim na pharmaceutical firms ang lumagda ng confidentiality disclosure agreements para ma-review ng vaccine experts panel ang resulta ng Phase 1 at Phase 2 clinical trials ng kanilang bakuna.
Ito ay ang Gamaleye Research Institute mula Russia; University of Queensland ng Australia; Adimmune ng Taiwan, at ang Sinovac, Sinopharm at Anhui Zhifei Longcom Biopharmaceutical mula sa China.