Patuloy na bumibili ang Department of Health (DOH) ng flu vaccines sa kabila ng sinasabing kakaunti na lamang ang suplay nito.
Ayon sa DOH, ang mga mabibiling flu vaccines ay para sa mga “indigent” o mahihirap na senior citizens, alinsunod sa Republic Act 9994 o Expanded Senior Citizens Act of 2010.
Nabatid na target na recipients o makatatanggap ng mga bakuna ay ang mga nakatatanda na kasama sa listahan mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Nauna nang sinabi ng DOH na ang flu at ang pneumonia vaccines ay hindi lunas para sa COVID-19, pero maaaring makatulong sa pag-iwas sa mga kumplikasyong dulot ng sakit o makakatulong sa resistensya.
Sa oras na makuha naman ang mga bakuna, sinabi ng DOH na agad na ipamamahagi ang mga ito sa lahat ng mga rehiyon.
Ang kada rehiyon naman ang magbibigay sa mga lokal na pamahalaan upang mabakunahan na ang mga nakatatanda.
Sakaling magkaroon ng shortage o kakulangan, sinabi ng DOH na ang mga lokal na pamahalaan ang kailangan na bumili ng dagdag-suplay para sa kani-kanilang constituents.