
Kailangang managot ang mga opisyal ng Department of Health na sangkot sa pagbili ng milyon-milyong pisong halaga ng psychiatric medications.
Sa panayam ng DZXL RMN Manila kay Alliance of Health Workers Secretary General Cristy Donguines, mahigit ₱44 milyon na halaga ng gamot na malapit nang mag-expire ang binili ng DOH.
Pero nilinaw ni Donguines na wala namang ganitong request ang National Center for Mental Health.
Nagtataka ang grupo kung paano nasisikmura ng mga opisyal ng DOH ang pagbili ng milyon-milyong pisong halaga ng hindi namang kinakailangang gamot sa halip na tugunan ang matagal nang atraso sa mga health workers.
Idinulog na ng alyansa ang naturang isyu sa Ombudsman at naghain ng reklamo laban kay Health Sec. Ted Herbosa at iba pang opisyal.
Dagdag pa ni Donguines na matagal na at paulit-ulit silang nagpapadala ng liham sa DOH para makipag-usap sa mga opisyal nito pero hindi sila sinasagot.









