DOH, bumubuo na ng guidelines para sa paggamit ng COVID-19 test kits

Bumabalangkas na ang Department of Health (DOH) ng omnibus guidelines para sa paggamit ng iba’t ibang test kits para sa COVID-19.

Ito ang tugon ng kagawaran sa panawagan ng ilang medical associations na ihinto ang paggamit ng Rapid Antibody Test (RAT) dahil hindi nito nade-detect ang presensya ng virus sa tao pero ang antibodies lamang sa dugo nito.

Ayon sa DOH, inaasahang magiging laman ng guidelines ay ang purpose ng bawat test at mga kondisyon sa paggamit nito.


Una nang sinabi ng DOH na hindi dapat ginagamit ang rapid test bilang ‘stand-alone’ test at dapat pina-partner ito sa RT-PCR tests.

Ang paggamit ng rapid test ay mahalaga para matiyak ang proper timing ng testing at tamang interpretation ng mga resulta.

Ang RT-PCR test ay mananatiling “gold-standard” at mas mapagkakatiwalaan sa pag-diagnose ng COVID-19.

Binigyang diin pa rin ng DOH ang kahalagahan ng pagsunod sa minimum health standards para mabawasan ang hawaan.

Facebook Comments