CAUAYAN CITY – Bumuo at nagtatag ang Department of Health Cagayan Valley ng Taskforce MPOX kasunod ng unang kaso nito sa rehiyon.
Sa isinagawang press briefing, sinabi ni DOH Regional Director Amelita Pangilinan na ang pangunahing layunin ng task force ay pigilan ang pagkalat ng virus.
Ang task force ay pinamumunuan ng DOH katuwang ang DOH-accredited hospitals, rural health units, at local government units (LGUs).
Binigyang-diin ng DOH na Bagaman maraming hamon ang kinaharap ng health sector noong panahon ng COVID-19 naging daan naman ito upang maimprove ang mga health facilities, at karagdagang kaalaman at kasanayan para sa mga health workers na kanilang magagamit upang matugunan ang iba’t ibang sakit na lumalaganap ngayon tulad ng Monkeypox.
Samantala, ang DOH ay nagbibigay ng libreng laboratory confirmation tests sa pamamagitan ng sampling skin lesions at pagsasagawa ng polymerase chain reaction (PCR) tests.
Hinihikayat ang lahat ng posibleng nakakaranas ng mga sintomas ng mpox na kaagad na magpasuri sa doctor upang malunasan at hindi na kumalat pa.