Iimbestigahan na rin ng Department of Health-Center for Health Development CALABARZON ang nangyari sa mga estudyante matapos ang ikinasang fire drill sa kanilang paaralan sa Cabuyao, Laguna.
Matatandaan na 83 mag-aaral ng Gulod National High School- Mamatid Extension ang naisugod sa ospital dahil sa sobrang init.
Nakikipag-ugnayan na ang Regional Epidemiology and Surveillance Unit sa City at Provincial Counterparts sa isinasagawang imbestigasyon sa insidente habang hinihintay pa ang ibang detalye sa mga naospital na estudyante.
Ayon sa DOH-Calabarzon, noong March 24 ay may 24 pa na estudyante ang isinugod sa Cabuyao City Hospital mula sa kanilang tahanan matapos makiisa sa fire drill.
Sa nasabing bilang 14 sa nasabing estudyante ang patuloy na inoobserbahan.
Sa impormasyon pa na nakuha ng DOH-Calabarzon, nasa 3,000 estudyante ang isinalang sa fire drill sa gitna ng tindi ng sikat ng araw kung saan aabot ang heat index mula 39° hanggang 42° Celsius sa lungsod mula ala-1:00 hanggang alas-3:00 ng hapon.