
Pinalalakas ng Department of Health–Cordillera Administrative Region (DOH-CAR) ang mga inisyatiba sa disaster risk reduction and management sa sektor ng kalusugan, partikular sa pagtugon sa mental health ng publiko.
Ayon kay DOH-CAR Director Dr. Amelita Pangilinan, mahalagang paigtingin ng mga ahensya ng gobyerno ang pagpapatatag ng Mental Health Councils at Mental Health and Psychosocial Support (MHPSS) teams sa mga lokal na pamahalaan upang matiyak ang mabilis at organisadong pagtugon sa mga biktima ng sakuna.
Binigyan niya rin ng diin ang papel ng MHPSS teams sa pagbibigay ng psychosocial at mental health interventions, lalo na sa mga naapektuhan ng mga kalamidad.
Matapos ang magnitude 4.4 na lindol sa Pugo, La Union kamakailan, ilang residente ang isinugod sa ospital dahil sa anxiety attacks, kabilang ang mga kasong may neurocirculatory asthenia, PTSD, vasovagal syncope, at iba pang stress responses.
Patuloy rin ang pagsasanay ng DOH-CAR para sa mga health at non-health professionals upang mapabuti ang kanilang kakayahan sa pagtugon sa mental health needs sa panahon ng emerhensiya.









