Ipinahayag ng pamunuan ng DOH-CHD1 na hanggang sa ngayon ay walang nasira, napanis o expired na COVID19 vaccine sa buong Region 1.
Iginiit ni Dr. Rheuel Bobis, COVID Focal Person ng DOH-CHD1, lagi nilang ipinapaalala sa vaccinators, Local Government Units at Provincial Governments na kapag nakatanggap ng bakuna mula sa Regional Vaccination Center na kailangang maiturok ito sa mga residente sa loob lamang ng anim na araw upang hindi ito masayang.
Samantala, naging maganda naman umano ang turn-out ng ginagawang programa ng iba’t ibang lokal na pamahalaan kaugnay sa ginagawang pagbabakuna sa kanilang bawat nasasakupan dahil sa patuloy na pagtatala ng mataas na bilang ng bakuna na naituturok.
Sa katunayan umano ay nanguna ang Region 1 sa ginawang 3-day national Vaccination drive dahil sa pumalo sa 439,371 jabs ang kabuuang naiturok kung saan ang Pangasinan ang may hawak ng pinakamalaking bilang na naibakuna kung saan halos kalahating porsyento ang naitala o kabuuang 240, 999.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang paghikayat sa mga residente na hindi pa nababakunahan na kung maaari ay magpabakuna na bilang karagdagang proteksyon sa sarili at buong komunidad. | ifmnews