Nagpaalala ang Department of Health (DOH) sa publiko na hindi pa kumpirmadong lunas sa sakit na coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang ‘Dexamethasone’ na isang klase ng steroid.
Kasunod ito ng mga naglabasang ulat na malaki ang naitulong ng nasabing steroid sa paggaling ng nasa 30% COVID-19 patients, batay sa mga impormasyong nakalap ng mga British researchers.
“People might think that this is the magic pill para sa COVID-19. It is not. Hindi ito gamot na pag ininom, mawawala ang COVID-19 o ‘pag ininom mo ito, hindi ka magkaka-COVID,” saad ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa online media forum nitong Miyerkoles.
Paglilinaw ng opisyal, ginagamit lamang ang ‘Dexamethasone’ bilang ‘supportive treatment’ para sa mga pasyenteng tinamaan ng virus, lalo na sa mga kritikal ang kondisyon.
Kailangan din muna itong sumailalim sa ‘peer review’ para masabi raw na katanggap-tanggap ang ebidensya o pag-aaral.
“Antayin natin ‘yung resulta ng peer review na ito para ‘yung ating eksperto ay mapag-aralan yan at masabi kung talagang pwedeng gawin,” dagdag pa ni Usec. Vergeire.
Napag-alaman na ang ‘Dexamethasone’ ay isang murang steroid at madaling mabili sa mga botika.