Mas dodoblehin pa ng Department of Health (DOH) ang paglaban sa paglaganap ng COVID-19 sa bansa.
Ito ay makaraang umabot na sa mahigit isang milyon ang kabuaang bilang ng kaso ng virus sa bansa.
Ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, kanilang paiigtingin ang mga ginagawang hakbang ng ahensya gaya ng pagpapalakas ng health system at isolation facilities at pagpapataas ng testing capacity sa bansa.
Binigyang-diin din ni Vergeire na kahit sa simula pa lamang naman ng pandemya ay ginagawa na ng DOH ang pagpapaigting ng mga naturang hakbang laban sa virus.
Gayunman, kailangan pa rin kasi aniyang ibalanse ang limitadong resources para sa lahat ng sektor.
Samantala sa interview ng RMN Manila, sinabi ni OCTA Research Fellow Dr. Michael Tee na dapat din pagtuunan ng pansin ng gobyerno ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa mga workplace at communal eating areas.
Pabor din ang OCTA na palawigan ng Modified Enhanced Community Quarantine lalo na’t nasa 22 ospital pa ang nasa full capacity sa National Capital Region Plus bubble.