Dapat na tingnan ang bilang ng mga aktibong kaso kaysa sa “cumulative” o kabuuang kaso ng COVID-19 sa bansa.
Reaksyon ito ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa pagkakasama ng Pilipinas sa listahan ng Johns Hopkins University sa Top 20 na mga bansa na may pinakamaraming COVID-19 cases.
Iginiit ni Vergeire na kung tutuusin, malaki na ang improvement ng Pilipinas sa pagresponde sa COVID-19.
Ipinaliwanag pa ng Department of Health (DOH) na posibleng napasama ang Pilipinas sa ranking ng mga bansang may mataas na COVID-19 cases dahil sa pinalawak na COVID-19 testing na umabot na sa 3.5 million.
Bukod pa aniya ito sa pinalakas na contact tracing ng mga lokal na pamahalaan.
Nilinaw rin ni Vergeire na ang recovery rate ngayon sa bansa ay nasa 80% na at stable na rin ang fatality rate.
Mula noong Agosto ay bumaba na rin aniya ang COVID-19 cases sa bansa at malaki ang naitulong dito ng health system capacity.