Bumwelta ang Department of Health (DOH) sa pahayag ng Commission on Audit (COA) na nasa P7.43 billion na halaga ng gamot at iba pang kagamitan ang nag-expire lang o nasayang noong 2022.
Ayon sa DOH, 0.03% lamang sa kabuuang bilang ng mga gamot ang expired at 1.16% naman ang near-expiry o malapit nang masira.
Karamihan anila sa mga nag-expire na gamot ay mga stock sa mga public hospital, na hindi nagamit dahil sa mababang bilang ng mga pasyente na nagtutungo sa ospital.
Habang ang mga natitira ay nasa mga Regional Offices ng DOH, na hindi naipamahagi dahil sa pagtanggi na tumanggap ng mga bagong stock.
Paliwanag pa ng ahensya, mas pinagtutuunan kasi nila ang proper disposal ng mga nasirang gamot sa halip na ang mismong expiration nito, dahil ang mga ospital na ang makapagpapaliwanag kung bakit at paano nasayang ang naturang mga gamot.
Samantala, nasa 95.81% sa nabanggit na halaga ay hindi expired at dahil lamang sa mabagal na paggalaw, undistributed o overstocked na imbentaryo.